Home » Post Item » Huling Patak
Read. Understand. Act. Some things to ponder with this gal's insight.

Huling Patak

Tuesday, June 16, 2009

Patuloy ang paglakas at pagbuhos ng ulan na nagiging sanhi upang maging maputik ang daan. Mapapansin ang banayad na pagbaybay ng lupon ng mga kalalakiha’t kababaihan sa madulas at mapanganib na damuhan. Ngunit hindi ito inaalintana ng mga taong umaangkas sa higaan ng malamig na katawan ng isang dalaga.  “Napakagiting niya…”sabi ng isang mama na may hawak sa nakakaawang liham na pilit na ikinukubli ng matandang lalaki para hindi ito mabasa ng ulan.

Sa daan ay nakasalubong nila ang isang binata na humihingal sa pagtakbo patungo sa kanila. Mabilis nitong pinatigil ang prusisyong nagaganap at pinabuksan ang munting tulugan na ng dalaga. Sa mga sandaling yaon ay binasag ng binata ang pagluluksa at isinigaw ang naghihimagsik nitong nadarama. “Magbabayad kayong mga maysala!..Ipaghihiganti kita!..” Iniabot ng matandang lalaki sa palad ng binata  na puno ng pangungulila’t panghihinayang ang sulat na nakalaan para sa kanya. “Hijo, ikaw ba si Rich Francisco, heto nakita namin sa lamesa ng dalaga, sulat para sayo.” Agad nitong binuksan ang sobre at binasa ang nilalaman nito.

 “Kalakbay,

Mapagpalaya at masayang pagbati sayo!

Kumusta ka na? Matagal-tagal na rin pala nung huli tayong nagkita, nagkausap, at nakapagpalitan ng text. Sana nasa maayos kang kalagayan tulad ko na patuloy na  namamangha sa kagandahan ng daigdig. Hindi ko maitatangging namimiss na rin kita at habang tumatagal ay tila mas ninanais kong makita at makasama ka muli. Gayunpaman, hindi pa rin ako nagsisisi sa daang tinahak at sa pasyang pinaninindigan ko hanggang ngayon at magpakailanman.

Magpipitong buwan na pala ang nagdaan buhat nang tayo’y tuluyang naghiwalay. Naaalala ko pa rin ang eksaktong petsa nito, ika-labingpito ng Agosto noong nakaraang taon nang hiningi ng pagkakataon na tapusin na natin ang lahat ng namamagitan sa ating dalawa. Gusto kong malaman mo na masaya akong nakikipamuhay kasama ang mga magsasaka dito sa  isang liblib na bayan ngayon. Lubos ang aking kagalakan sa mainit nilang pagtanggap sa akin at mas lalo kong nauunawaan ang tunay nilang napagdaraanan at kinakaharap sa kasalukuyang panahon. Nakalulunos ngang mabatid na ang sinasaka nilang lupain na pinaglalaanan ng pawis at dugo habang nakababad sa ilalim ng araw ay hindi nila pag-aari. Ang masakit pa nito ay hindi sapat ang kanilang natatanggap na bahagi sa hatian. Binababahan pa ang presyo ng mga produktong iniaangkas papunta sa sentro kung saan nagaganap ang palitan ng mga produkto. Napakasakit na malamang mababa ang pasahod ng mga walang pakialam at walang awang mga panginoong may-lupa. Bukod pa rito’y sinusupil nila ang mga hinaing at karapatan ng mga manggagawa. Ito ang natuklasan kong katotohanan sa aking isinasagawang dokyumentaryo dito sa munting paraiso. Isang pook na pilit ginagawang impiyerno ng mga mapagmalabis, mapang-abuso at nakaaangat ang uri ng pamumuhay sa lipunan.

Mula sa mga sandaling ito’y hindi ko maiwasang magbaliktanaw sa mga napagdaanan nating karanasan nuong magkarelasyon pa tayo. Naging masaya at maayos naman ang lahat sa atin kahit na maraming tumutuligsa sa ating relasyon. Ipinagbabawal daw ang ating pag-iibigan dahil tayo ay magkamag-anak…Ngunit lagi nating ipinapaliwanag at ipinapaunawa sa kanilang lahat na malayong magpinsan lamang tayo. Akala ko talaga hindi na matatapos ang kaligayahang nananaig sa aking puso. Subalit isang malaking panaginip lamang pala ang paghahangad ng isang matagumpay na relasyon kapiling ka. Dumaan ang mga araw at nagsimulang lumabo na ang mga bagay-bagay sa ating pagitan. Naaalala mo pa ba ang pangyayaring nagpabago sa pagkakakilala natin sa isa’t isa? Hapon nang Sabado noong nagkita tayo. Tandang-tanda ko pa ang masiglang tawanan at napakabanayad na pagpapalitan ng mga kuwento. Dahil dun lamang tayo nagkakaroon ng pagkakataong makasama ang bawat isa. Ngunit may naganap na hindi ko inaasahan sa tanang buhay ko. Tayo lamang ang mga tao sa apat na sulok ng silid na yaon. Tahimik ang kapaligiran at malamig ang pagdampi ng hangin sa ating katawan. Naging mapusok ang ating mga kaluluwa dahil nagawa tayong lamunin ng nag-aalab nating damdamin. Ngunit, lubos akong nahintakutan sa bilis ng mga pangyayari kaya’t minadali kong umiwas at humiwalay sa ating pagkakatabi. Malakas nga ang hatak sa akin ng aking konsensiya sapagkat sa oras na yun ay mukha nila inay at kapatid ko ang gumising sa aking isipan. Nagapi ko ang pagnanasang muntik ng lumamom sa aking pagkatao. “Bakit, bakit hindi mo kayang ibigay?..” Yan ang katanungang gumimbal sa akin. Dahil mali yun Rich…at natatakot ako sapagkat malaking responsibilidad at pananagutan ang naghihintay sa atin. Naibahagi ko naman sayo ang awang  nadarama ko sa tuwing nagpupuyat ang aking ina sa di mawaring parte ng lansangan sa araw at gabi para lamang ayusin ang burol ng mga taong hindi naman namin kakilala.  Sa ganitong kaparaanan iginagapang ng nakapanlulumong ilaw ng aming tahanan ang aking pang-matrikula. Kung tutuusin, kayod-kalabaw na siya para makapag-tapos lamang ako ng pag-aaral. Naiisip  ko tuloy ang hirap na dinaranas ng aking ina tuwing idinadaing nito ang pagsakit at pagkirot ng kanyang paa , likuran, at ulo. Lagi niyang inuulit sa akin na ako ang pag-asa ng aming pamilya, na ako na lamang ang makakatulong sa nakababata kong kapatid sa kanyang pag-aaral, na sana huwag ko siyang bibiguhin. Naisip ko, paano na kung may nangyari sa atin di ba? Alam kong hindi ka handa sa kaakibat nitong responsibilidad.. Alam kong hindi ka rin handa sa hirap na pagdaraanan natin pagkatapos sana ng mangyayaring yun, di ba? Hindi ko naman ipinapahiwatig na handa na ako, ngunit, iniisip ko lamang ang hirapna idudulot nito. Ako ang itinuturing na alas ni inay upang maiahon sila sa kahirapan. Tanong ko sayo nun, “kung ikaw ang nasa kalagayan ko, magagawa mo ba silang isakripisyo at hayaang maglaho lahat ang mga pangarap mo upang mabigyang katuparan lamang ang kamunduhan mo?”

Maisuko ko man ang pagkababae ko, alam kong sa kaloob-looban ko’y hindi ako nakakatiyak sayo. Lubos kitang minahal ngunit ikaw ba ay ganoon din? Hindi naman ako naghihintay ng tugon mula sayo para sa nararamdaman ko. Sapat na sa akin na nasisilayan kang maligaya, ngumingiti at ipinapadama sa akin na espesyal ako sa buhay mo. Sapat na talaga sa akin na minsa’y nagkaroon ako ng puwang sa buhay mo, na naging bahagi ako ng mundo mo. Tama na na naipakita ko kung gaano kita kamahal at pinapahalagahan sa buhay ko. Marahil, hindi nga tayo naitadhana para sa isa’t-isa.

Alam mo bang lubos ang aking pangangamba na kung naganap sana ang ating pagkalimot sa sandaling yun ay ayokong isilang ang ating anak sa napakasalimuot at  napakagulong lipunan? Di ko nais na maranasan niya ang kahirapang nararanasan ko sa kasalukuyan. Ang walang humpay na pagtaas ng matrikula, ang pagtaas ng presyo ng petrolyo, langis at mga pangunahing bilihin na pinantutustos natin sa araw-araw na pangangailangan, ang pang-aabuso ng mga makapangyarihang buwaya sa mga maliliit at mahihirap, at ang kawalan ng tamang dedikasyon sa paglilingkod sa masa ng mga kurakot na pulitiko, ang nakapiring na hustisya at ang napakabulok na sistema ng pamahalaan, ay ilan lamang sa dinami-dami kong nakakaharap na sakit sa lipunan sa araw-araw na pakikipagsapalaran.

Napakarami ko pang nais gawin at minimithing mangyari at maisakatuparan. Hindi ko man hawak ang panahon at oras na itatagal ko sa mundo, masasabi kong malayong mapagsasabay ang responsibilidad na magmulat at ang maaaring ibunga ng kinatatakutan kong mangyarisa atin noon. May nasimulan kasi akong pakikibaka upang muling maitaguyod sa kaunlaran ang buhay ni Juan… Nais kong makita ang masa at ang bayan na hahalakhak sa ganda ng panibagong umaga na puno ng pag-asa. Sa tinahak kong kapalaran ay hindi ako nag-iisang lumalaban, kasama ko ang mga magigiting at maaasahang kabataan na naghahangad ng pagbabago upang baliktarin ang negatibong tatsulok na pahirap sa mga tulad kong kapus-palad.

Naiintindihan mo na ba kung bakit hindi ko magawang ibigay ang hinihingi mo? Huwag mong ipamukha sa akin na hindi magaganap ang kinatatakutan ko dahil alam mo ang ginagawa mo. Huwag kang magmamaang-maangan Rich na magiging normal ang lahat. Nanghihinayang ako sa ganda ng ating samahan noon na nagkaroon ng malaking pagbabago ngayon. Gayunpaman, nais kong ipadama ang mainit kong pasasalamat sa pagdaan mo sa aking buhay.

Alam kong bata ka pa at kaunti pa lamang ang nalalaman mo sa mga tunay na nagaganap sa ating bansa. Ngunit, may isip at kakayahan ka at balang araw ay mamumulat ka din sa katotohanan. Huwag mo sanang hayaan na gawin kang bulag, pipi at bingi ng iyong kamunduhan. Naniniwala ako na isa ka ring makabayang kabataan na kakikitaan ng natatanging kakayahang maglingkod sa inang-bayan. Alam mo bang hindi naman talaga sa dami ng karelasyon o kasama sa kama nasusukat ang pagkalalaki ng isang lalake? Kundi sa kakayahan nitong magbahagi ng panahon para sa pagsusulong at pagpapalaya sa lipunang kinokontrol ng mga taong sakim sa kapangyarihan. Sa ganitong paraan mo sana ipakita any iyong pagkalalaki.

Kaya, heto ako ngayon… nakikibaka at umaasang bumaba na sa puwesto ang mga pulitiko na makakapal ang pagmumukha at ipinagpipilitan ang kanilang mga sarili sa palasyo. Hindi mo ako masisisi kung bakit ganito na lamang ang pagnanais kong makawala sa kuko ng pag-aalinlangan kahit na walang katiyakan ang kahihinatnan ng aking mga gagawin, di ba? At wala ka rin sa tamang posisyon para sumbatan akong isinuko kita dahil wala akong kakayahang ipaglaban ka. Ginawa ko ito sapagkat yun ang makabubuti hindi lamang para sa ating dalawa kundi para na rin sa pangkalahatan. Ang pagmamahal ko sayo at sa bayan ay matitimbang lamang sa pamamagitan ng pagsuko ko ng aking pansariling interes at makamundong kaligayahan. Nais kong ilaan ang buong buhay ko sa paglalayag sa ilog kahit na hindi ko man mawari sa ngayon kung saan ako nito dadalhin. Mas pinili kong mamuhay kapiling ang mga kasama ko. Ito ay dahil naniniwala akong sila ang tulay at makapangyarihang susi upang mawala na ang mga naghaharian sa masa. Wala nang mang-aapi pa sa mga gaya naming isang kahig isang tuka.

Sa kahuli-hulihang pagkakataon, nais kong sabihin na mahal pa rin kita. Hindi ko sinasabing hindi na ako muling iibig sa iba. Marahil ay hindi pa ito ang tamang panahon upang magmahal muli. Higit sa anumang bagay ay mas binibigyan ko ng pansin at panahon ang aking pag-aaral at pagsisilbi sa masang kabataan sa pamamagitan ng pagsusulat at pagtulong sa pagmumulat. Nais ko silang tulungang makalaya mula sa takot at pagiging tuta sa mga nagpapanggap na mabubuting modelo sa ating bansa. Ito ang naitalagang kapalaran ko at masaya ako dito. Alam kong maiintindihan mo rin ako pagdating ng tamang panahon. Sakaling mabigo man ako sa larangan ng pag-ibig, sisiguraduhin kong makakamit ng bansa ang isang malayang lipunan na malayo sa karahasan at karukhaan. Kapag nangyari na ito, makakamit na natin ang tamis ng tunay na kalayaang noon pa natin inaasam. Sa gayon, makatitiyak na tayo sa maayos at masaganang  kinabukasan para sa susunod na henerasyon.

Hanggang dito na lamang kaibigan at mabuhay ka!”

 “Alas dose y medya na pala…” pabuntong hininga na nasambit ni Ceres sa kanyang sarili habang tinititigan ang kanyang sulat kamay. Isa na siyang ganap na manunulat at mayroon na ring pangmatagalang pinagkakakitaan ng pera na pinantutulong sa kanyang pamilya. Pagkatapos magkatitulo ay binigyan naman niya ng pansin ang pansariling pangarap. Sa eksaktong oras ding yaon niya natapos ang huling liham na ipadadala niya para kay Rich. Sa isip niya’y hindi na kasi niya matukoy kung makapaghuhulog  pa ba siya ng sulat at kung makakabalik pa ba siya sakali mang mayroong maganap sa kanya. Mamayang alas kuwatro ay hahayo na naman siya para salubungin ang mga kabataang dadalo sa pulong na gaganapin sa muog. Ito ang nagsisilbing tahanan ng mga tibak na tulad niya. Sa ganitong mga bagay-bagay umiikot ang kanyang mundo simula nang piliin niyang maging isang responsableng kabataan at manunulat na naghahangad ng pagbabago.

Pipirmahan na sana niya ang liham ngunit biglang naubusan ng tinta ang kanyang panulat. Pumapatak na ang pawis sa mapusyaw na papel na kanyang pinagsusulatan. Tatayo na sana siya upang kumuha ng bagong pluma ngunit sa sandali ding yun ay umalingawngaw ang tunog ng pagputok ng isang baril.

Pulang tinta na ang nagwakas sa kanyang sulat at pati na rin sa mga pangarap na unti-unti na niyang naisasakatuparan. Kasabay nang pagbagsak ng katawang hinubog ng iba’t ibang karanasan ay ang pagdaloy din ng mga luhang marahan na pumaibaba sa kanyang pisngi. Bago tuluyang mawalan ng hininga’y nasambit niya ang isang munting dalangin. “Panginoon, hayaan Niyo na makarating itong liham ko sa kanya…” Ang huling patak ng kanyang luha ang gumuhit ng kanyang lagda.

Posted by tintangbughaw at 12:35 pm | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.